Tuesday, June 25, 2013

Money Tips : Pangungutang sa Bumbay 101

 " Ang taong nagigipit, sa bumbay kumakapit! "

Sa unang pandinig, eto'y nakakatawa , ngunit kung pag-isipan ng malalim , eto ay naglalarawan ng kahirapan ng buhay sa Pilipinas.
Marahil, halos lahat tayo sa isang punto ay nakaranas nang mangutang upang pun'an ang kakulangan sa araw-araw nating gastosin.
Marami ang maaring mapagkunan ng tulong : sa pamilya , sa pinagtatrabahuhan , sa kakilala ,  sa bangko, sa micro-finance , mga informal lenders ...Pinakasikat sa lahat ..ay ang bumbay.


Matagal nang nagpapautang ang mga bumbay sa Pilipinas. Sa katunayan, kahit saang sulok ng Pilipinas , kada tindahan ay hindi maaring walang kang bumbay na makikita .
Naging bahagi na sila ng ating lipunan. Noon ay nakaturban at sarong ngunit ngayon ay nakamotorsiklo o nakakotseng may bitbit na emergency solar light na may radyo o DVD player na may USB port ..habang may nakasukbit  na bolpen sa tenga ng balbon at artistahing ngiti.

"Gusto mo utang pera ? Pwede...rin items..sampu araw-araw. " 

Yan ang kadalasang bati sa yo ng isang baguhang bumbay.
Ngunit iba-iba ang pananaw ng mga Pilipino sa pagpapautang ng bumbay.
Karamihan ay kumbinsidong pag ikaw ay umutang sa bumbay, ikaw ay mababaon lamang sa karagdagang utang. Eto naman talaga ang kadalasang nangyayari.
Ngunit kung tutuusin hindi dahil sa bumbay, kundi dahil sa sariling kapabayaan at sa pagkawala ng disiplina sa sarili pagdating sa pera.

Paano ko nasabi yan ?
Dahil ako din ay nag bumbay noon at tumagal pa ng mahigit sampung taon.
At eto ang aking kwento ..( sneak in sad music..hmm )

Ano ang sistema ng pag-utang sa bumbay at paano magamit ng wasto ang perang inutang :

01 5-6 (Five:Six)

Mag utang ka ng limang libo, bayaran mo eto ng anim na libo.
Kadalasan, eto ay iyong babayaran sa loob ng isang buwan o 30 days.
Pagkakuha mo ng PhP 5,000, magbabayad ka araw-araw ng isang daan sa loob ng 30 days.

Eto ang una kong kinuha .
Ang aking ginawa, pagkatanggap ko ng pera ay pinamili ko agad ng paninda lahat ( sa retail po ako ).
Lahat.
May gusto akong bilhin para sa sarili ko mula sa pera na yun ngunit pinigilan ko talaga dahil inisip ko, na ang perang yun ay utang at bayaran ko ng may karagdagang tubo pa.

Sa utang na five: six , ang perang kinuha mo ay magka-interes ng 20 percent.

Ibig sabihin, ipagpalagay mo, na hindi na lamang limang libo ang iyong utang.. kundi naging anim na libo na.
Ibig ding sabihin..kailangan din na ang paninda mo ay tutubo ng mas malaki pa sa 20 percent upang ikaw ay hindi malugi at mabayaran mo talaga ang iyong utang at may tubo pa.
Samakatuwid , piliin mo dapat ang paninda na mapagtubuan mo ng mahigit pa sa interes ng inutang mo.

Hindi mo maaring gamitin ang five six na utang, pangpuhunan sa grocery store,..

...dahil ang tubo mo sa grocery ay mas mababa pa sa 20 percent ..dahil marami din ang may panindang tulad nito..at me price limit ang mga panindang eto kapag ikinumpara sa mga grocery stores...Ang grocery items ay price sensitive dahil eto ay mga basic commodity na ginagamit araw-araw.

( Pag hindi sa negosyo ginamit ang pera...paano ka magakapag-ipon ng ipangbayad araw-araw..? Tandaan na kapag ikaw ay hindi makapagbayad ng maayos sa iyong inutangan ikaw ay magka bad record.. at hindi ka na maka utang pang  muli sa bumbay na yan .Negosyante din sila.)

Dahil ikaw ay may paninda na, sa buong araw, ay hindi maaring hindi ka makabenta ng isang daan.
Isang daan lang naman ang iyong obligasyon araw-araw sa PhP 5,000 mo na kinuha.
Maliit lang at di mo mamalayan na patapos ka na sa iyong listahan.
Ugaliing h'wag mag absent sa bayarin mo araw-araw upang magkaroon ka ng magandang record at ikaw sa susunod ay maari nang mag negotiate ng mas mahabang term.

02 Extended Term 

Mula sa karaniwang 30 days na pagbayad ay maari kang makiusap na palawigin ang iyong term.
Ang aking ginawa pagkatapos ko ng dalawang cycle (dalawang 30 days)
ay sinubukan kong makiusap kung maari etong i extend sa 60 days at kukuha ako ng mas malaki pa.
Dahil, maganda ang aking record, pumayag na ako ay bigyan ng
60 days at ako ay pinahiram ng PhP 20,000.
Five,six pa rin dahil babayaran ko eto ng PhP 24,000
ngunit sa loob na ng dalawang buwan.
Bale ang bayarin ay maging 400 kada araw.
Hindi masakit bayaran ang 400 kada araw, dahil dumami na rin ang iyong paninda at malaki na ang halagang pang compra. Siguro makuha nyo na ang edeya..ng tamang sistema.

Makaraan ang ilang cycle na ganun ay sinubukan ko muling humirit pa at nakiusap sa extend pa lalo ang term ko sa pagbayad.
Dahil sa tinutupad ko ang aming kasunduan na hindi ako aabsent sa bayarin araw-araw, ay madali kong napapayag ang bumbay na ibigay sa kin ang kanilang ultimate term para lamang sa mga matagal at piling customer.
Pumayag sa 120 days at akoy binigyan ng Php 100,000 .
Five six pa rin, ngunit dahil matagal ang term ng pagbayad ay nagiging magaan,
1,000 lang ang isang araw. Sa una ay natakot din ako na hindi makapagbayad, ngunit sa totoo pala ay dapat wala kang ipangamba dahil pag ang bu-ong perang hiniram ay ipag compra lang, dadami ang iyong benta araw-araw at walang posibilidad na hindi ka makapagbayad.
Minsan, may mga pagkakata-on na kailangan mo pa talaga ng extrang pera para sa mas malaking puhunan halimbawa kung may mga okasyon o advance order. Pwede ka pa ring makipag-usap sa bumbay na suki mo at ikaw ay kayang-kayang tulungan.

03 Loan Overlap

Sa regular na proseso ng bumbay, ay hindi ka maka pagrenew ng loan mo kung hindi mo pa natapos ang kasalukuyang bayarin.
Eto ay upang proteksyon din sa kanila na masingil muna ang kasalukuyang pautang bago bibigay ng panibago. Minsan may nga exception din sa kanilang mga suki at pumapayag sa emergency loan.
Nangyari na sa kin yun. Nasa kalagitnaan pa lang ako ng aking lista, ngunit kailangan ko ng panibagong halaga upang bilhin ang gamit na kailangan sa tindahan.
Ang aking ginawa, ay akoy nakiusap na kung maari , kukuha ako ng panibagong loan, bayaran ko pa rin ang aking unang araw araw na bayarin plus ang panibago kong babayarin daily.

Sa pamamagitan ng ganitong proseso at unti-unting mapalago ang perang inutang at pagdating ng araw na kaya mo nang magpalabas ng sariling capital ay hindi mo na kailangang humiram pa ng may tubo sa bumbay man o sa anumang lending entity.

Sa aking naging eksperyensya.. Eto lamang ang mga dapat gawin upang hindi mabaon sa pag-kaka-utang.
Ang kawala ng disiplina sa sarili lamang ang makapaghukay sa iyo sa kautangan.
Walang deperensya kung mababa man o mataas ang interes ng utang basta panatiliing mas malaki ang matubo sa perang inutang.
Kahit maliit lang ang interes sa kinuha , kung hindi naman ginamit sa pagkakakitaan ay mababaon ka pa rin sa utang.simple lang dahil wala kang tubo,, at ikaw ay gumagastos araw-araw.
Wala masama mangutang, kaya lang, eto ay dapat bayaran.


Mga dapat tandaan pag kumuha sa bumbay:

01 Kung may gustong bilhin, pera ang hiramin at hindi item.
( Pag sa bumbay mag order, doble ang tubo ng halaga ng item na kunin.)

02 Ugaliing tuparin ang pangako, upang magkaroon ng good record...good record  equals better terms.

03 Kung hindi maiwasan, ay makiusap na mag pass sa bayarin sa araw na yon ngunit pag nagkapera ay punan ang kulang.

04 Tandaad..magkakilala halos kung hindi man magkamag-anak ang lahat ng bumbay (pareparehon apelyido nun ha..), maari mong takasan ang utang sa isa ngunit hindi ka na makakuha kahit kaninong bumbay sa inyong lugar.

05.Hwag bayaran ang utang ng panibagong utang na may tubo rin. Eto kadalasan ang sanhi ng di pag ahon sa problema sa pera.

Sana nakatulong kahit paano ang blog na eto... i share din sa iba upang ibahagi ang kaalaman.

Monday, June 24, 2013

Pisonet Bisnis : Instant Kita sa Natutulog na Savings

Patok ngayong panahon ang paggamit ng computer. 

Kahit sa anong bagay, mapa aralin man o libangan, ay gamit ang computer.
Halos lahat ng ng tao ay marunong mag operate nito. Naging mabilis ang mga gawain, paghahanap, at pag-aaral dahil sa computer.
Ngunit hindi lahat ng may gustong  gumamit  ay kayang bumili nito .
Dahil sa demand na eto, naging uportunidad sa mga may hilig sa negosyo ang pagtayo ng mga computer shop.

Sa karaniwang computer shop set-up, ang lahat ng unit ay nakakabit sa isang server unit. 

Ang server ay syang may kontrol sa lahat ng iba pang mga unit.
Dito mo malalaman kung gaano na katagal ang gamit ng isang customer, upang  iyong ma bill kung magkano ang kaylangan nyang bayaran.

Maari ding walang server unit . 

Pagpasok ng gustong mag computer ay magpalista muna sa bantay upang ma start na ang pagbilang ng minuto o oras ng paggamit.
Eto ay madali lamang kung ang isang shop ay may ilang unit lamang ngunit and set-up na ito ay magkaproblema sakaling magdagdag ng unit, halimbawa trenta.

Ano ang mga maaring mangyari sa server set-up at sa walang server set-up ?

01 Hindi maiwasan na tumawad sa kanyang babayaran ang gumamit ( pinoy style yan talaga )
02 Maaring utangin ng ustomer ang babayaran
03 Sa hindi server set-up, maaring i libre ng bantay ang paggamit sa kanyang mga kakilala.
04 Maari ding singilin ngunit hindi i record ang benta upang manakaw ng bantay ang pera
05 Kung marami na ang unit, mahirapan ang bantay sa pagsingil kung magsabay ang babayad at magparegister pa lang upang gumamit (dagdag mo pa kung malaki ang perang buo at kailangan pang magpabarya.

06 Ma manage lang ng maayos ang computer shop kung may-ari talaga ang babantay upang maiwasan ang losses, yun nga lang, dun na lang ang iyong oras lahat- sa pagbantay.

Solusyon sa problemang eto ay ang Pisonet Set!


Ang Pisonet set at katulad din ng karaniwang computer set-up kaya lang may nakakabit na timer at coin slot.
Tinawag etong Pisonet dahil ikaw ay makapag-internet o makapaglaro na ng piso lang ang ihulog.

Ano ang advantage ng Pisonet Set kay sa karaniwang computer shop set-up ?

01 Hindi aanadar ang unit kung hindi hulugan ng piso.
02 Mag-off ang screen ng unit pag naubos na ang time ng gumagamit.
03 Hindi na kailangan pumunta pa sa bantay bago gumamit ng computer, maliban lang kung magpabarya.
04 Hindi manakaw ang oras o pera dahil may kandado ang coin slot box, at hindi rin aadar kung hindi hulugan.
05 Kahit maliit na mga bata na hindi karaniwang pumapasok sa mga computer shop ay makagamit basta may piso lang.
06 May hatak sa customer ang Pisonet dahil walang minimum time upang gamitin, hindi katulad sa karaniwang computer shop. Mas makontrol ng custo ang gagastusin sa paggamit.
05 Kahit marami pang unit ay kayang bantayan ng tagabarya ang shop.
06 Maaring iwanan lang sa bantay ang negosyo at i check lang kung magka oras na makapunta sa shop.

Paano mapagkitaan ang pag invest sa isang Pisonet Set ?


Ang standard na Pisonet Set ay nagkakahalaga ng
PhP 14,000. (may mga mas mahal pa na modelo )
Halimbawa, ikaw ay may savings na PhP 90,000,
makabili ka na ng anim na unit.
Ang ibang pera ay gamitin sa pagpakabit ng internet at iba pang gamit sa pag network ng lahat ng mga unit.
Karaniwan, sa bilihan ng Pisonet Set ay sila na mismo ang kumakabit ng mga computer pati timer,mesa at coin slot.
Kumpleto na eto pati mga games at lahat ng programs na kailangan.
Ang isang set ay iyo na lamang isaksak at magagamit mo na agad. Kahit wala pang internet ay magamit pa rin sa mga games at pang type.

Kung mag pa internet ang plano, ay anim na unit ang minimum upang hindi ka malugi sa pagbayan ng buwanang bill ng internet, ang pinakamababa ay isang libo.


Suriin natin ang mga gastos sa pagpatakbo ng anim na unit  sa bahay lang muna upang walang renta sa pwesto, at ang tao lang sa bahay ang magbabantay ( maaring ilagay kahit saang sulok o space )

6 units                                                                       84,000
Internet Modem                                                          1,000
Router at Pagpakabit                                                   1,500
Printer ( extra business, printing )                                  2,000
Electric Fan atbp. gamit                                                1,500
                                                                            ____________
                                                                                   90,000

Mga gastos sa isang buwan:

Kuryenteng magamit sa isang unit (150 )                         900
Internet                                                                       1,000
Maintenance (Technician , Mouse, Keyboard )               500
                                                                           _____________
                                                                                    2,400

Ang karaniwang time ng isang piso ay 4 minutes = 15 / hour
Kung makaoperate ang lahat ng unit ng pitong na oras lamang sa isang araw
( minsan sobra pa dahil hanggang gabi ay may naglalaro o nagresearch )
and kada unit ay kikita ng  105 (7hrs x15) x 6 units = 630 sa isang araw minimum.
Sa isang buwan ay kikita ng  630 x 30 araw ( mas marami pa sa weekends )  = 18,900 minimun sa units lang
Sa printing, sa tag 3 per page at kung makaprint ka lang ng pinakamababa 10 pages lamang
(siguradong hihigit pa )
Tutubo ka ng 2 kada page (minus na dun ang papel at ink )
So maging 2 per page income x 10 pages minimum ay 20 kada araw x 30 araw = 600 kada buwan


Minimum sa kita sa isang buwan ay  PhP 18,900
Minimum kita sa printing                          +  600
                                                           _________
                                                             19,500
Expenses sa isang buwan                      -  2,400
                                                           _________
Tutubo sa isang buwan pinakamababa    17,100




Daig pa ang nag time deposit nyan!


Pagkalipas ng anim na buwan  ang maipon mo ay maging  17,100  x 6  = PhP 102,600!
Conservative pa na estimate yun, maari ka pang kikita ng higit pa kung mas marami ang print at magpagabi ng pag-operate.

Kung  iyong balikan:

Nabawi mo na ang iyong puhunan na PhP 90,000,
may tubo ka pa, plus ang lahat ng unit mong binili ay nandyan pa rin  na nagkakahalaga ng PhP 90,000.
Kung may emergency ka, maari mo pa rin itong ebenta ng kahit PhP 70,000 na lang ,
pag aagawan pa, dahil anim na buwan mo pa lang nagamit at may warranty pa.
( ang mga bagong units ay may one year warranty sa CPU at 3 yrs sa LED Monitor )

Dagdag pa na silbi ng Pisonet ay kung ikaw ay may sari-sari store, hindi ka na mahirapan maghanap ng barya.
Kikita ka ng halos hindi binbantayan at sa bahay mo lang .


Maari ding mag start ng kahit dalawang unit lang muna pang offline games at typing lang kung wala pang internet.
Marami pa rin ang games lang ginagamit. Kung may kasalukuyan nang internet ay mas mabuti at mapagkitaan mo pa ang binabayaran mo buwan buwan .

Kung magdecide ka na na seryosohin at magdagdag ng maraming pang unit ay wala ka nang ekstrang gastos kundi ang pa upgrade lang ng internet, dagdag sa kuryente, bantay at pwesto.

Kikita ka pa rin ng malaki.

Sigurado!



Note : Ang may akda ng post na ito ay kasalukuyang may 36 units na Pisonet Shop at gumastos ng 20 pesos sa kanyang isang unit upang gawin ang blog na eto at ibahagi sa lahat ng libre ang mga  kaalaman sa pagpatakbo ng isang maliit na negosyo.











Sunday, June 23, 2013

Maliit na Negosyante Tips : Mga dapat Gawin pag may BIR Tax Mapping

Ngayon ang panahon ng 

BIR Tax Mapping sa buong Pilipinas


Ito ay ang pag inspeksyon nga mga negosyo sa municipal na tindahan at sa bayan.
Ngunit kadalasan, eto ay kinakatakutan ng mga  maliit na negosyante dahil sa maaring paglabag sa mga alituntunin at kaukulang parusa ng kanilang tindahan.

Dahil dito, pag may Tax Mapping , sarado ang maraming tindahan, at ang kawawang maliit na negosyante ay walang kita sa buong araw.

Ito'y sana'y maiwasan kung napaghandaan at alam kung ano ang gagawin tuwing may Tax Mapping :

01 Siguraduhing nakaregister 

ang negosyo sa BIR

Kailangang palaging kumpleto ang mga orihinal na papeles ng iyong tindahan sa isang lalagyan lamang.
Pakopyahan ang mga permit at mga papeles at ipaskil sa inyong tindahan sa madaling makita kasama ng plaka ng iyong tindahan. 

Sa iyong pag-aplay mahalagang kilalahin ang mga kawani sa tanggapan kung maari .  
Humingi ka ng numero o kontak sa opisina upang kung sakaling ikaw ay may tanong, ay madali kang makahanap ng pagtatanungan ng hindi ka magsayang ng oras sa pagpunta uli sa tanggapan . (Malay mo ,baka sila rin ang mag inspection sa inyo. At least panatag no loob mo sa mga taga BIR.)

02 Dapat updated ang iyong book of accounts at resibo ( official receipt  o cash sales ) 

Kung ito'y ginagawa araw-araw, hindi na mahirap gawin at itugma sa iyong mga resibo. 
Tandaan, kahit kilala mo ang taga-inspection, isulat pa rin nya ang iyong violation kung meron.

03 Sa araw ng Tax Mapping hinahanap ang mga papeles, book of accounts, resibo, pangalan ng tindahan, at BIR Permit to Operate.

Eto lang ang pagtuunan mo ng pansin, hindi ang paninda mo, dahil eto lang ang pakay nila at sila ay nagmamadali . 
Kung ikaw ay tatanga-tanga, maaring tatagal sila sa iyong pwesto at baka mas marami pang violations ang makita.

04 Wag matakot sa mga taga BIR tuwing inspeksyon. 

Sila ay mga adukadong tao at mga kawani ng gobyerno upang tumulong na ituwid ang anumang pagkakamali sa alituntunin ng BIR. Itanong sa kanila ang mga hindi pa naintindihan upang maipaliwanag ang mga dapat gawin sakaling may hindi ka pa alam.

05 Kung may violations ka man, tanggapin  at ipaliwanag sa kanila kung anu dapat ang ginawa upang naiwasan ang violation.

Wag magmarunong sa taga BIR, sila ay bihasa na sa mga taong tulad nito. Wala ka nang magawa kung may nakalagay nang violation sa yellow na papel.
Tanggapin mo nalang ng buong puso at lunukin ang anumang pag aalinlangan mo sa proseso.
Wag tumangkang i bribe ang mga taga inspection.

Tandaan: Ang mga taga BIR ay hindi nasusuhulan.

06 Kahit may paglabag ka man, hindi ka maaring pagalitan ng taga BIR dahil ang kanilang function ay mag inspection lamang.

Kung sakaling may hindi kanais-nais sa inasal ng mga taga inspection, maari kang sumangguni sa kanilang head office o sa Mayor.

07 Maari kang kumuha ng piktyur. OK talaga.

Kung hindi man nagagalit,ngunit kaya lang suplado o suplada ang taga inspection, wag kang matinag at magtanong ng mga hindi mo pa naintindihan . 
Kung may celpon ka o camera, kumuha ka ng mga litrato upang makilala mo at mapagmasdang muli ang mga mababait of supladang mga taga inspection.
Please lang, wag agad-agad i post sa Facebook kung ikaw ay may hindi magandang reaksyon. Huminahon.

08 Ugaliing magpasalamat sa mga mababait na taga BIR.

Kung magaan ang loob mo sa mga taga BIR, pwede mo silang ipa softdrink o yayain ng mirienda depende sa yong modo.
Laging tandaan, ito'y hindi ang huling pagharap mo sa BIR.

09 Ipalista ang mga dapat gawin

Kung hindi mo nakuha ang mga sinabi, ipasulat mo sa taga inspection ang iyong mga dapat gawin upang madaling masulosyunan ang problema ng iyong tindahan.

10 Kung walang papeles, resibo , permit  at di rehistrado ang iyong tindahan, mas mabuti ngang magsara ka na lang muna sa araw na yan. Pasaway ka kasi!


Nakatulong ba ang aking post?
Maaring mag comment o magtanong upang lalo kang maliwanagan sa anumang mga bagay-bagay na hindi mo pa naintindihan.
Laging tandaan, ugaliing alamin ang mga bagay-bagay, upang simple ang buhay.